Nakakainis ang mga estudyanteng nagpapadagdag ng grade lalung-lalo na ang mga naturingang "iskolar".
Kung ikaw ay iskolar, alam mo na dapat alagaan ang mga grades mo. Dapat pala walang bababa sa 80 o sa 85 e bakit ka nagpabaya?
Tuwing pagkatapos ng exam ay pinapakita ko sa aking mga estudyante kung ano ang nakuha nilang grade para naman magkaroon sila ng ideya kung ano ang katayuan nila sa aking klase. Kaya kung napapansin mo na mabababa pala ang marka mo, dapat gawin mo na ang lahat para ito ay tumaas pa.
Wala namang imposible. Nagbibigay ako ng 100 kung ikaw ay karapat-dapat pero nagbabagsak din naman ako ng mga ilan. Wag mo na akong lapitan pagkatapos ng term para magmakaawa at humingi ng karagdagang puntos. Dapat noon palang ay nag-aral ka na ng mabuti at ginalingan sa aking klase.
Nalulungkot ako sa mga batang bumabagsak o kaya naman ay mabababa ang nakukuhang grade sa akin. Pero kung ipapasa naman kita kasi, ikaw din ang mahihirapan sa mga susunod mong klase. Wag ka namang umasa nalang sa iyong katabi tuwing may pagsusulit. Hindi ka ba nakokonsensya na pumapasa ka lang dahil nag-aral ng mabuti ang ka-"cheatmate" mo? Haay nako.
Ang lalakas pa ng loob ng iba na magpa-late sa klase at alam naman na may pagsusulit. "Sir sorry na-late ako ng gising." At ang iba naman ay hindi pa papasok sa tinakdang araw ng test. Ano nanaman ang dahilan mo? Naging estudyante din kaming mga teachers niyo kaya alam na namin kung nagpapalusot lang kayo. Oo parte yan ng buhay kolehiyo pero alam niyo ba ang salitang ABUSADO?
At eto pa, kung alam mo na hindi ka pa nakakakuha ng test, aba ay ikaw na ang magkusang lumapit. Hindi na ako magaantay sa mga nagpapa-importante lang. Hindi nga nag-exam pero nakikita ko lang sa facebook at nag-party pala nung isang araw? Grabe naman yan.
Naipasa ko na lahat ng mga grades at wala na akong balak baguhin pa iyon. Kaya kung ako sa inyo e seryosohin naman ang pagaaral. Maiintindihan niyo din ito pagkatapos niyo tumuntong sa entablado para kunin ang diploma at mag-pose para sa picture niyo.
Nakupo talaga o.
Thursday, September 10, 2009
It's Too Late
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment